-- Advertisements --

BUTUAN CITY – Ikinalungkot ng 36th Infantry “Valor” Battalion, Philippine Army matapos makumpirma na nasa mga edad pa na 17 at 18-anyos ang napatay na dalawang mga miyembro ng New People’s Army (NPA).

Ito ay sa engkwentro sa bukiring bahagi ng Sitio Agsam, Brgy Cabas-an sa bayan ng Cantilan, Surigao del Sur.

Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Butuan, kinilala ni acting commanding officer Lt. Col. Michael Rey Reuyan ang mga namatay na sina Angelo Dumeños, 17, residente ng Sitio Nasipit, Brgy. Adlaw, Carrascal, Surigao del Sur at Juliemar Delicuna, 18, residente ng Brgy. Maitom sa Tandag City.

Nang makita umano ng opisyal ang mga napatay ay nakaramdam ito ng sobrang lungkot dahil sa murang edad ay naging biktima sila sa panlilinlang ng mga rebelde.

Isinasalaysay pa umano ng ina ng menor de edad na ni-recruit ang kanyang anak ng nakakatanda pa niyang anak na matagal na sa kilusan at hindi na nakauwi pa hanggang sa naabutan na ito ng kaniyang kamatayan.