VIGAN CITY – Ipinangako ni League of Municipalities of the Philippines (LMP) president at Narvacan Mayor Luis Chavit Singson na ibabahagi nito ang dalawang refurbished Lockheed S-3 viking aircraft sa Armed Forces of the Philippines (AFP).
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Vigan kay Singson, sinabi nito na ang nasabing S-3 Viking aircraft ay magsisilbing aerial refueling tanker ng mga military airplanes.
Aniya, ang aircraft ay isa sa pinakamahal na klase kaya’t plano nito na magpatayo ng kauna-unahang Maintenance Repair Operation and Training (MRO) sa Pilipinas.
Inilahad pa nito na ang MRO ay makapagbibigay ng serbisyo sa mga jet at military airplanes sa ASIAN countries at European countries na siyang makakatulong para sa ikauunlad ng ekonomiya ng bansa.
Gayunman, ang nasabing donasyon ay matapos ang pagpupulong sa Washington ng LCS group kasama ang gobyerno ng South Korea at America kung kaya’t napili ang Pilipinas na siyang pagtatayuan ng MRO.