VIGAN CITY – Wala pang judge na didinig sa mga nakabinbing kaso sa dalawang Regional Trial court (RTC) judge sa Abra.
Sa impormasyong nakalap ng Bombo Radyo Vigan, ito’y matapos ipinag-utos ng Supreme Court (SC) na maisailalim sa preventive suspension sina Judge Raphiel Alzate at Judge Corpus Alzate ng Bangued RTC Branch 1 and 2.
Ang suspension order ay ipinalabas noong February 12 ngunit ngayong linggo lamang natanggap ng mga nasabing judge na napag-alamang malayong magkamag-anak.
Una nang sinabi ni Chief Justice Lucas Bersamin na lilinisan niya ang judiciary sa kaniyang paghalili kay dating Chief Justice Teresita De Castro at sisimulan niya ito sa lalawigan kung saan ito ipinanganak at lumaki.
Anim na buwan ang ipinataw na suspensyon kay Judge Raphiel dahil sa pending investigation sa mga kinakaharap nitong administrative complaints na may kaugnayan sa nullity of marriage cases na hinahawakan nito.
Samantala, in-extend ng SC ng anim na buwan ang pagkakasuspinde ni Judge Corpus na noong Hunyo ng nakaraang taon lamang ay nasuspinde ng anim na buwan dahil sa mga kinakaharap din nitong administrative cases.
Kaugnay nito ay nautusan ang Office of the Court Administrator na magtalaga ng temporary judges sa nasabing lalawigan lalo na at papalapit na ang eleksyon sa Mayo.