Nananatiling sarado ang 2 runway ng Toronto Pearson Airport sa mga susunod na araw habang nagpapatuloy ang imbestigasyon sa dahilan ng pag-crash at pagbaliktad ng Delta passenger plane.
Nauna ng napaulat na walang nasawi at lahat ng 80 lulan ng pampasaherong eroplano ay ligtas na nailikas kung saan 76 dito ay mga pasahero habang 4 naman ang crew members. Bagamat may 18 dito ang naitalang sugatan.
Ayon sa Peel Regional Paramedic Services, 18 katao ang dinala sa local hospitals kung saan 2 adults at 1 bata ang nagtamo ng critical injuries.
Sa ngayon, hindi malinaw kung paano bumaliktad ang eroplano bagamat posibleng nakaapekto umano dito ang malakas na hangin.
Base sa Meteorological Service of Canada, naitala ang hangin na 32 miles per hour (mph) at bugso na umaabot ng 40 mph sa naturang paliparan nang mangyari ang plane crash kasabay ng pagdaan ng remnants ng winter storm sa may Toronto.
Subalit nilinaw naman ni Toronto Pearson International Airport fire chief Todd Aitken na nang mangyari ang plane crash, dry ang weather sa runway at walang cross-wind conditions dahil napakaaga pa. Kayat binigyang diin ng opisyal na huwag aniyang mag-speculate sa sanhi ng aksidente.
Sa kasalukuyan, nililinis na ang wreckage sa paliparan. Pansamantala namang sinuspendi ang lahat ng flights nitong hapon ng Lunes sa Pearson Airport bagamat ipinagpatuloy ang departures at arrivals nitong gabi ng Lunes.
Pinangunahan naman ng National Transportation Safety Board ang grupo ng mga imbestigador sa Amerika para tulungan ang Transportation Safety Board ng Canada sa imbestigasyon sa Delta Air Lines plane crash.