Patay ang dalawang turistang Russian habang nagsasagawa ng scuba diving sa Verde Island, Batangas City, nitong Huwebes ng hapon.
Lumabas sa imbestigasyon ng Philipine Coast Guard (PCG) – Batangas na nagda-diving ang apat na Russian divers nang magkahiwa-hiwalay sila dahil sa biglang paglakas ng alon.
Naitakbo pa umano sa pagamutan ang unang Russian pero idineklara rin itong dead on arrival.
Namataan umano ng search and rescue team ng PCG-Batangas ang bangkay ng ikalawang Russian diver na putol na ang kanang kamay.
Nahirapan ang PCG na marekober ang katawan ng biktima dahil sa marami umanong mga pating ang umaaligid.
Tinitignang dahilan naman ang pag-atake ng pating sa isang biktima dahil sa naputol ang kanang kamay nito.
Samantala inuwi na ang labi ng pangalawang biktima sa Puerto Galera, Oriental Mindoro habang ang unang nasawing Russian ay dinala sa isang ospital sa Batangas City.