-- Advertisements --

Dalawa lamang umano mula sa 350 close contacts ng dating overseas Filipino worker mula South Korea na nagpositibo sa UK variant ang dinapuan ng COVID-19.

Ayon kay Quezon City Mayor Joy Belmonte, hinihintay na lamang nila sa ngayon ang resulta ng mga samples na ipinadala sa Philippine Genome Center kung taglay din ng mga ito ang UK variant.

Ang 35-anyos na pasyente, na mula sa Liloan, Cebu, ay isa sa 62 kaso ng mas nakahahawang B117 variant ng COVID-19.

Kasalukuyan itong naka-quarantine sa Riverside, Barangay Commonwealth.

Una nang nagpasaklolo ang Department of Health (DOH) sa National Bureau of Investigation upang matunton ang naturang pasyente matapos maiulat na umalis na raw ito sa bansa.

Samantala, sinabi ni Belmonte na naghain na raw ang Quezon City government ng kaso laban sa manning agency ng nasabing OFW para sa pag-transport sa kanya sa lungsod na hindi inaabisuhan ang mga otoridad.