Matapos ang isinagawang validation, nakumpirma na dalawa sa apat na indibidwal na kasalukuyang nasa kustodiya ng mga otoridad ang kabilang sa arrest order na inilabas ng Department of National Defense (DND) kaugnay sa umiiral na Martial Law sa Mindanao.
Ang apat na indibidwal ay hinarang kahapon ng mga tauhan ng Bureau of Immigration sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) na nakatakda sanang umalis ng bansa patungong Kuala Lumpur, Malaysia.
Ayon kay Armed Forces of the Philippines Spokesperson B/Gen. Restituto Padilla, batay sa kanilang impormasyon, isa sa pitong indibidwal na naharang sa NAIA ay kabilang sa listahan ng arrest order No. 2 na inilabas ng DND.
Ayon naman kay Pol. C/Supt. Sheldon Jacaban, ang indibidwal na nasa kustodiya ng National Bureau of Investigation (NBI) ay si Alnizar Palawan Maute.
Batay sa listahan na inilabas ng DND sa arrest order No. 1, kabilang dito ang pangalan naman ni Abdulrahman Maute.
Sa ngayon nasa kustodiya na ng NBI si Alnizar habang sina Abdulrahman at dalawa pang kasama nito ay nananatili sa Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) dito sa Kampo Crame.
Ayon sa CIDG, kapag tapos na ang imbestigasyon sa tatlo ay kanila naman itong iti-turnover sa NBI.