ILOILO CITY – Nakalabas na ng ospital ang dalawa sa anim na nga overseas Filipino workers (OFW) na inararo ng kotse sa labas ng Lucky Plaza mall sa Orchard Road sa Singapore.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Iloilo kay Bombo international correspondent Mercy Saavedra Cacan, direkta sa Singapore, sinabi nito na kabilang sa mga nakalabas ay sina Laila Laudencia ng Cabaroan, San Fernando City, La Union at Delmet Limbauan sa Sta. Maria, Isabela.
Samantala, nasa kritikal na kondisyon pa rin sina Arceli Nucos ng La Union at Egnal Limbauan ng Isabela.
Una nang binawian ng buhay ang kapatid ni Arceli na si Arlyn Nucos matapos madaganan ng kotse at ang kaibigan nito na si Abigail Leste ng Tuguegarao Cagayan.
Binisita rin ng mga opisyal ng Singapore ang mga OFW sa ospital.
Kabilang sa mga ito ay si Mayor Low Yen Ling, ng southwest district kung saan tiniyak nito ang pagbibigay ng tulong ng The Ministry of Manpower kung saan makikipagtulungan ito sa Centre for Domestic Employees.
Napag-alaman na ang Orchard Park ay paboritong puntahan ng mga OFW sa Singapore tuwing linggo na kanilang day off.
Ayon sa kaibigan ng mga biktima, ang anim ay matalik na magkakaibigan at madalas na magkasagawa ng picnic.