LA UNION – Umaapela ang mga naninirahan sa Barangay Guinabang sa bayan ng Bacnotan, La Union na kumpunihin agad ang hanging bridge na nagsisilbing daanan ng mga ito upang makatawid ng ilog matapos may nangyaring aksidente nitong mga nakaraang araw.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay Benito Nicha, sinabi nito na isa siya sa mga nahulog sa nasabing tulay.
Ayon kay Nicha, pauwi na sana siya sa kanilang tahanan matapos tignan ang alaga nitong kalabaw sa bundok at dumaan ito sa naturang tulay na nagsisilbi na kaisa-isang nagdudugtong na daan upang makatawid sa kabilang gilid ng ilog.
Habang tumatawid si Nicha at ang anim pa na indibidwal sa tulay ay biglang naputol ang isang kable nito.
Nahulog si Nicha at ang isang bata sa ilalim ng tulay, habang nakakapit at nakabitin naman ang iba pa.
Mapalad umano ang bata dahil maayos ang pagkakabagsak nito sa buhanginan, samantalang si Nicha ay iniinda pa rin ngayon ang sakit sa kanyang likod dahil sa pagkakahulog.
Umaasa ang mga naninirahan doon na maaayos sa madaling panahon ang tulay upang hindi na umali ang pangyayari.