-- Advertisements --

KORONADAL CITY – Kinumpirma ni Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM)-Minister of Health Dr. Saffrulah Dipatuan na umaabot na sa lima ang kumpirmadong kaso ng Coronavirus Disease 2019 (COVID-19) sa kanilang lugar.

Sa isinagawang press briefing ng Bangsamoro Inter-Agency Task Force on COVID-19, inihayag ni Dipatuan na sa nasabing kaso, dalawa rito ay binawian ng buhay; dalawa rin ang na-confine; at isinasailalim sa strict monitoring ang isa pa na may close contact sa pasyenteng namatay.

Naitala ang mga kaso ng COVID-19 sa BARMM patikular sa Lanao del Sur at Marawi City.

Habang nasa 6,697 ang mga persons under monitoring sa BARMM kung saan 1,904 sa Maguindanao; 2,006 sa Lanao del Sur; 983 sa Basilan at Lamitan City; 886 sa Tawi-tawi’ 829 sa Sulu kabilang na ang mga deportees mula sa Sabah Malaysia.

Umaabot naman sa 187 ang “persons under investigation” (PUI) kung saan 33 sa Maguindanao; 26 sa Lanao del Sur at Marawi; 37 sa Basilan at Lamitan City; 14 sa Tawi-tawi; 45 sa Sulu; at 30 mula sa mga deportees.