Nagpositibo sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) ang dalawa sa mga kapitbahay ng overseas Filipino worker (OFW) na may UK variant sa Quezon City.
Ayon sa Quezon City government, ang nasabing mga pasyente ay isang 36-anyos na lalaki at 44-anyos na babae, kapwa asymptomatic o walang sintomas ng COVID-19 at taga-Riverside sa Barangay Commonwealth.
Lumabas daw ang positive result ng mga ito noong Pebrero 11 at dinala sa HOPE Quarantine Facility.
Isusumite rin daw ang kanilang samples para isailalim sa genome seuqncing upang malaman kung nakuha rin ng mga ito ang UK variant ng coronavirus.
Ang dalawa ay kabilang din sa mahigit 200 indibidwal sa Riverside na sumailalim sa swab tests kung saan walo sa mga ito ang may sintomas habang 198 ang asymptomatic.
Kasabay nito, isinailalim na rin sa swab test ang mga kasama sa bahay ng dalawang positive cases.
Anim sa mga ito ang nagnegatibo sa virus, habang ang tatlo ay naghihintay pa ng kanilang mga resulta.
Sinabi naman ng lokal na pamahalaan, magsasagawa ang Quezon City Epidemiology and Disease Surveillance Unit (CESU) ng dagdag pang contact tracing para sa dalawang positibong kaso.
Samantala, ang mga natukoy na general contacts ng mga indibidwal na nagnegatibo sa COVID-19 ay hindi na raw kailangan pang tapusin ang 14-day quarantine.