ROXAS CITY – Labis na kalungkutan ang naramdaman ngayon ng pamilya ng triplets matapos dalawa sa mga ito ang binawian ng buhay.
Isinisisi ni Rilan Bataican, 21, tubong San Pedro, Pontevedra, Capiz ang mga nurses sa Bailan District Hospital sa bayan ng Pontevedra, Capiz sa pagkamatay ng dalawa sa mga triplets, dahil sa kapabayaan na magampanan ang kanilang tungkulin.
Ayon sa mister na isinailalim sa ceasarian operation ang live-in partner na si Edilyn Giluane, 19, at dahil 7 months pa lamang ang triplets ay kailangan nila na mailagay sa incubator.
Dahil isa lamang ang available na incubator ay gumawa ng improvised na lagayan ng ilaw ang mga nurses para sa dalawang kambal.
Nabahala lamang si Bataican matapos makitang nahirapang huminga ang kambal na sanggol kaya humingi ng tulong sa nurses.
Kaagad kumuha ng ambu bag ang dalawang nurses at inilagay sa mga sanggol para matulungan silang huminga.
Ngunit ikinagulat ng ama ng biglang ibinigay sa kanilang dalawa ng menor de edad na pamangkin ang dalawang ambu bag para sila ang magpatuloy.
Ginagawa na nila ang itinuro ng mga nurses, ng makita ni Bataican na may lumabas na dugo sa ilong ng mga anak, kaya nataranta ito at humingi ng tulong.
Matapos matingnan ang pulso ng kambal ay sinabi nitong patay na ang mga sanggol.