Gustong ipasibak sa serbisyo ni Philippine National Police Chief PGen. Rommel Francisco Marbil ang dalawang miyembro ng Special Action Force na inaresto kamakailan lang.
Ito ay matapos na mabisto na rumaraket ang dalawa bilang mga security guard ng isang VIP Chinese citizen sa Alabang, Muntinlupa City kahit pa nakadestino ang dalawa sa Zamboanga City.
Giit ni PNP Chief Marbil, hindi tama kaya’t hindi siya makapapayag na suspensyon lamang ang ipataw na kaparusahan sa dalawang sa troopers na nagkasala.
Ang kautusan na ito ay bahagi aniya ng muling pagbalik ng dignidad ng buong hanay ng kapulisan kasunod ng idinulot na mantsa ng ginawa ng dalawa sa buong organisasyon.
Kung maaalala, bukod sa dalawa ay una na ring sinibak sa serbisyo ang pitong nakatataas na opisyal ng SAF ng mga suspek.
Ang mga ito ay isasailalim sa restrictive custody sa ngayon sa tanggapan ng SAF sa Fort Sto. Domingo sa Santa Rosa City, Laguna habang isinasailalim ang mga ito sa kaukulang preliminary investigation hinggil sa nasabing kaso.