LAOAG CITY – Aabot sa dalawang sako ng iba’t ibang klase ng armas ang nakumpiska sa mag-ama sa ikinasang search warrant sa Barangay Lipay Saricao sa bayan ng Vintar, Ilocos Norte.
Nakilala ang mga ito na sina Mathias Balagulan, 68, at ang kanyang anak na si Mitchel Balagulan, 37, parehong residente sa naturang barangay.
Ayon kay Police C/Insp. Joseph Baltazar, hepe ng Vintar-Philippine National Police, matapos magpositibo ang natanggap nilang report ay agad nilang isinagawa ang operasyon kung saan nakuha ang mga armas.
Kabilang sa mga nakumpiska ay ang 8MM na baril, mga sira-sirang baril, at air gun na ico-convert na caliber 38.
Samantala, pinasinungalingan ng ama ang inihayag ni Baltazar na matagal na silang nagkukumpuni ng mga armas.
Sinabi nito na natutunan niya lamang ang magkumpuni ng mga armas at tinuruan nito ang anak na kasama nitong gumagawa sa mga sirang armas.
Iginiit nito na hindi nito kilala ang mga nagpapakumpuni ngunit ibinulgar na noon ay may isa umanong pulis na nagpakumpini na ngayon ay wala na sa serbisyo.