BUTUAN CITY – Nilinaw ni P/Lt. Col. Christian Rafols – information officer ng Police Regional Office (PRO) 13 na pinapalitan ng cash ng mangingisda ang dalawang sako ng bigas na kasama sa reward sa kanya matapos mai-turn over ang 18 bloke ng floating cocaine.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Butuan, inihayag ng opisyal na dahil sa sobrang layo ng uuwian ng mangingisdang si Jolan Pucot, 25-anyos, sa Purok 2, Brgy. Handamayan, sa bayan ng Lingig, Surigao del Sur, kung kaya’t hiniling niyang palitan na lamang ito 2-libong pisong bawat-sako.
Dahil dito ay aabot na sa 36 libong piso ang salaping cash na kanyang nakuhang reward mula sa kabuuang 18 bloke ng floating cocaine na kanyang natagpuan.
Una nang inihayag ng opisyal na nitong nakalipas na Martes ng hapon, 16 lang na mga bloke ng floating cocaine ang natagpuan ni Pucot na nagpalutang-lutang sa baybayin ng kanilang lugar na inihatid nila sa Lingig Municipal Police Station.
Nadagdagan pa ito ng dalawang iba pa kina-umagahan kung saan may marka itong COCA-COLA na iba sa una pang mga natagpuan na may ‘Bugatti’ o ‘Dollar Sign ($) markings.