BUTUAN CITY – Nilinaw ni Lt. Col. Christian Rafols, information officer ng Police Regional Office (PRO-13) na pinapalitan ng cash ng mangingisda ang dalawang sako ng bigas na kasama sa reward sa kanya matapos mai-turn over ang 18 bloke ng floating cocaine.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Butuan, inihayag ng opisyal na dahil sa sobrang layo ng uuwian ng mangingisdang si Jolan Pucot, 25, sa Purok 2, Brgy. Handamayan, sa bayan ng Lingig, Surigao del Sur, kung kaya’t hiniling niyang palitan na lamang ito P2,000 bawat-sako.
Dahil dito aabot na sa P36,000 ang salaping cash na kanyang nakuhang reward mula sa kabuuang 18 bloke ng floating cocaine na kanyang natagpuan.
Una nang inihayag ng opisyal na nitong nakalipas na Martes ng hapon, nasa 16 lang na mga bloke ng floating cocaine ang narekober ni Pucot na nagpalutang-lutang sa baybayin ng kanilang lugar na inihatid nila sa Lingig Municipal Police Station.
Nadagdagan pa ito ng dalawang iba pa kinaumagahan kung saan may marka itong “COCA-COLA” na ang iba naman na naunang natagpuan ay may nakasulat na “Bugatti” at mga dollar sign ($) markings.