-- Advertisements --

Nagpasalamat ang Mindanao Indigenous Peoples Council of Elders and Leaders (MIPCEL)  at ang Mindanao Indigenous Peoples Youth Organization (MIPYO) sa pagkakaligtas ng PNP sa 19 na batang katutubo mula sa Talaingod, Davao del Norte na dinala sa Cebu para sanayin bilang child warriors ng CPP-NPA.


Kasabay nito, kinondena ng grupo ang CPP-NPA at kanilang mga front organizations sa kanilang ginagawang paglabag sa karapatan ng mga katutubo at International Human Rights Law sa paggamit ng mga katutubong kabataan bilang instrumento ng karahasan.


Sa isang open letter, Tinukoy ng grupo ang Rural Missionaries of the Philippines, na nagtayo ng mga “salugpungan schools” sa iba’t ibang katutubong komunidad sa mindanao sa ilalim ng “Save Our School (SOS) Network“ kung saan sinasanay ang mga child warriors.


Katulong umano nila dito ng mga grupong kaanib ng KATRIBU at ng Bagong Alyansang Makabayan (BAYAN).


Binunyag nila kung paano nagsisilbi bilang parang “boarding school” ang mga salugpungan schools kung saan hinihiwalay ang mga bata mula sa kanilang mga magulang para ikundisyon na lumaban sa pamahalaan.


Nitong Lunes ay matagumpay na nabawi ng PNP, AFP at DSWD ang 19 na kabataang Lumad at naaresto ang 7 suspek na nagdala sa mga ito sa Cebu ng walang paalam sa kanilang mga magulang.


Nahaharap ang mga suspek sa kasong illegal detention, human trafficking, at paglabag sa RA 9851 (IHL Act) at RA 11188 (Special Protection of Children in Situations of Armed Conflict).


Sa kabilang dako, ayon naman kay PNP Spokesperson BGen. Ildibrandi Usana, kasalukuyang nasa kustodiya ng DSWD sa Cebu ang mga nasagip na mga menor de edad.