KALIBO, Aklan – Dalawang magkamag-anak na nakatanggap ng ayuda mula sa Social Amelioration Program (SAP) ng pamahalaan kasama ang isang 4Ps beneficiary ang inaresto dahil sa pagsusugal na paglabag sa panuntunan ng social distancing sa Brgy. Andagao, Kalibo, Aklan.
Ang tatlong inaresto ay nahuling naglalaro ng baraha sa labas ng kanilang bahay.
Kinilala ang mga ito na sina Delma Eulogio, 48, 4Ps benificiary; Genalyn Andrade, 37; Jay Cipriano, 34, kapwa SAP beneficiary at residente ng nasabing lugar.
Ang operasyon ay ikinasa ng mga operatiba ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG)-Aklan at Kalibo PNP matapos na makatanggap ng sumbong.
Ang SAP ay tulong sa mga mamamayang apektado ang kabuhayan sa ipinatupad na enhanced community quarantine dulot ng banta ng Coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Kasong paglabag sa Presidential Decree 1602 o Illegal Gambling Law ang isinampa sa tatlo.