-- Advertisements --

LEGAZPI CITY – Swerte kung ituring ng dalawang security officer ng lokal na pamahalaan ng lungsod ng Masbate matapos na makaligtas sa pamamaril ng isang lalaki sa Purok 2, Barangay Nursery.

Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Legazpi, nabatid na lulan ng kotse ang mga biktimang sina Diogenes Medina, 52, at Victor Espinosa, 56, na mga residente ng naturang barangay.

Sa pagdating ng mga ito sa naturang lugar, bigla na lamang umanong sumulpot ang suspek na kinilalang si Janus Francisco, 34, na armado ng hindi pa matukoy na kalibre ng baril.

Pinaputukan umano ni Francisco ang dalawa subalit hindi naman tinamaan ang mga ito.

Mabilis na tumakas ang suspek sa hindi pa malaman na direksyon habang iniimbestigahan na rin ang posibleng motibo sa insidente.

Isinasagawa na rin sa kasalukuyan ang follow-up investigation at pursuit operation ng Masbate City PNP upang maaresto ang suspek na nananatiling at-large.