-- Advertisements --
Iloilo City District mandurriao

ILOILO CITY – Nahaharap sa kasong alarms and scandal ang dalawang senior citizen matapos namaril sa isang party hub sa Mandurriao, Iloilo City.

Ang mga arestado ay sina Gerolen Alave, 63, ng Arevalo, Iloilo City; at Serafin Pendon, 75, ng Pototan, Iloilo.

Sa panayam ng Bombo Radyo Iloilo kay Corporal Sydney Calata, imbestigador ng Mandurriao Police Station, sinabi nito na inireklamo ng isang Welmer Cadano, 33, taxi driver, ang dalawang matanda.

Ito’y matapos umanong binaril ng mga ito ang windshield ng kanyang taxi.

Ayon sa imbestigador, aksidenteng naatrasan ng pick-up na minamaneho ni Alave ang taxi ni Cadano kung saan nayupi ang likurang bahagi ng taxi.

Dagdag pa ng pulis, nagalit ang dalawang matanda at bumaba mula sa front seat ng pick-up si Pendon na may hawak na armas at biglang binaril ang taxi.

Mabilis namang hinarangan ng ibang taxi ang sasakyan ng mga suspek kung kaya hindi nila nagawang tumakas at nahuli ng rumespondeng pulis.