-- Advertisements --

CAUAYAN CITY – Isinailalim ng Department of Health (DOH) Cagayan Valley Center for Health and Development sa high epidemic risk ang Tuguegarao City at Santiago City dahil sa pagtaas ng mga kaso ng COVID-19.

Nakapagtala ang dalawang lunGsod ng mataas na two-week growth rate at Average Daily Attack Rate (ADAR) sa nakalipas na dalawang linggo.

Ang Tuguegarao City ay nakapagtala ng 444.44% growth rate habang 214.29% growth rate ang Santiago City.

Batay sa assessment ng DOH Region 2, nasa Alert Level 3 na ang Tuguegarao City at Santiago City habang ang nalalabing bahagi ng rehiyon ay nasa Alert Level 2 pa rin.

Samantala, sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni City Health Officer Genaro Manalo na tumaas ang mga aktibong kaso sa Santiago City dahil may mga galing sa Metro Manila na positibo sa COVID-19 at nahawaan ang kanilang mga kamag-anak.

Kasama rin sa mga bagong kaso ang 11 na health care worker sa isang ospital kaya umabot na sa 39 ang mga aktibong kaso sa Santiago City mula sa 7 lamang noong Lunes.