Naharang ng NAIA Inter-Agency Drug Interdiction Task Group (NAIA-IADITG) ang dalawang South African matapos umano subukan ng mga itong magpasok ng nasa P97,892,800 halaga ng ilegal na droga sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) kaninang umaga.
Bandang ala una ng madaling araw, napansin na raw ng X-ray operator sa international arrivals area ang mga kahina-hinalang gamit sa bagahe ng dalawang byahero.
Agad na inabisuhan ng operator ang NAIA Inter-Agency Drug Interdiction Task Group para sa karagdagan pang inspeksyon.
Sa manual inspection, nasabat na ng awtoridad ang higit 14kg ng methamphetamine hydrochloride o mas kilala sa tawag na “shabu” na nakatago sa iba’t ibang lalagyan gaya ng handbags, lalagyan ng potato chips at biscuits, compartment ng libro at mga improvised pouches.
Ang mga nasamsam na ebidensya ay naipadala na ngayon sa laboratory ng Philipphine Drug Enforcement Agency (PDEA) para sa confirmatory testing kasunod ng inventory process.
Agad naman nang naaresto ang mga suspek at nasa kustodiya na ngayon ng PDEA, at sasampahan ng mga kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.