-- Advertisements --

Dalawang puganteng South Korean ang naaresto sa magkahiwalay na operasyon ng Bureau of Immigration (BI) sa Cebu City at Parañaque City.

Kinilala ng BI ang mga suspek bilang sina Sim Sooryong, 38, at Kim Kwanghyun, 40, na parehong nasa listahan ng Interpol Red Notice sa kahilingan ng gobyerno ng South Korea.

Ayon kay BI Commissioner Joel Anthony M. Viado, ibabawal nang makabalik sa bansa ang dalawang dayuhan matapos silang mapasailalim sa deportation process.

Natuklasan din na pareho nang overstaying ang dalawa—si Sim ay huling dumating sa bansa noong Pebrero 3, 2019, habang si Kim naman ay Enero 28, 2018 pa.

Kasalukuyang nakakulong ang dalawa sa BI detention facility sa Taguig City habang hinihintay ang kanilang deportasyon.

Si Sim Sooryong ay nahaharap sa kasong pagnanakaw at pananakit matapos diumano niyang atakehin ng palakol ang isang biktima at puwersahang ipalipat ang 25 milyong won sa kanilang bank account.

Samantala, si Kim Kwanghyun naman ay wanted sa South Korea dahil sa pagpapatakbo ng iligal na online gambling sites mula pa noong 2015, kung saan nakapagkamal siya ng mahigit 16 bilyong won mula sa bentahan ng sports betting tickets.