-- Advertisements --

CAGAYAN DE ORO CITY – Naabo ang dalawang palapag na municipal building ng bayan ng Sugbongcogon, Misamis Oriental kagabi.

Ito ay matapos magsimula ang apoy sa likurang bahagi ng bodega ng munisipyo at agad kumalat sa buong gusali na gawa sa semi-concrete na materyales.

Sa panayam ng Bombo Radyo, inihayag ni Misamis Oriental Provincial Fire Marshall Supt. Greg El Bambo na inaalam pa ng kanilang mga imbestigador at sa sub-office ng Bureau of Fire Protection (BFP) kung ano ang dahilan nang pagkasunog ng gusali.

Nilinaw ni El Bambo na masyado pang maaga na tukuyin kung may depekto sa linya ng koryente o mayroong naiwan na electronic gadget sa loob ang dahilan ng sunog.

Ipinag-utos na rin nito sa mga tauhan na na balikan ang lugar para sa malalimang imbestigasyon.

Wala namang naitala na sugatan o nasawi ang naturang pangyayari.

Kinumpirma naman BFP na umaabot sa P4 milyon ang structural damage ng sunog.

Tanging ilang dokumento lamang ang naisalba mula sa loob dahil sa sobrang laki ng apoy na kumain sa buong gusali.

Inamin naman ng ilang municipal elected officials na kabilang sa nasunog ang hindi pa mabilang na halaga ng pera na kita ng munisipyo.