-- Advertisements --

LAOAG CITY – Nagpapatuloy ang mas malalim naimbestigasyon ng mga kasapi ng Bureau of Fire Protection (BFP) sa bayan ng Bacarra matapos masunog ang 2-storey na bahay sa Purok 6, Barangay 9, San Agustin II.

Ayon kay Fire Inspector Edison Reyes, Fire Marshall ng BFP-Bacarra, kaninang umaga ay nakatanggap sila ng tawag mula sa Office of Public Safety na nasusunog ang family house ng pamilya Velasco.

Dahil dito, agad silang rumesponde at nang makarating sa lugar ay nabalot na nang makapal na usok ang ikalawang palapag ngunit makalipas ng 15 minuto ay nakontrol ang apoy.

Kabilang sa mga nasunog ay ang bobeda ng silid sa ikalawang palapag, damit, cellphones at iba pa.

Sinasabing dalawa umano ang anggulo na kanilang tinututukan kung saan kabilang sa mga nasunog ay ang dirty kitchen at isang silid sa itaas ng bahay.

Ngunit sa inisyal na imbestigasyon, wala umanong nakasaksak na gamit o gadget sa ikalawang palapag at sa kanilang dirty kitchen ay walang linuluto.

Nabatid na aabot sa P50,000 ang halaga ng kagamitan na nasunog.

Samantala, habang nasusunog umano ang bahay ay umaambon o katatapos lamang ang malakas na ulan.