-- Advertisements --

NAGA CITY- Sugatan ang isang lalaking menor de edad matapos na mabangga ng isang L300 van ang sinasakyang motorsiklo sa Barangay Sta. Lucia, Magarao, Camarines Sur.

Kinilala ang mga biktima na sina Kim Eric Agnote, 20-anyos, residente ng Bagong Sirang Barangay Sta. Lucia, at isang 17-anyos na lalaki, residente ng Housing 1 Barangay Sta. Lucia, sa nasabing bayan.

Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Camarines Sur Police Provincial Office (CSPPO), napag-alaman na habang binabaybay ng mga biktima ang kahabaan ng Barangay San Isidro nang aksidenteng mabangga ito ng van na minamaneho naman ng suspek na isa ring 17-anyos na lalaki.

Sa inisyal na imbestigasyon ng mga awtoridad, nagtamo ng mga sugat sa ibat-ibang bahagi ng kanilang mga katawan ang mga biktima na agad naman na dinala sa ospital para sa asistensya medikal.

Sa ngayon, nasa kustodiya na ng mga awtoridad ang driver ng nasabing van para sa kaukulang disposisyon.