BUTUAN CITY – Dalawang mga crew ng isang cargo motorbanca ang sugatan matapos lamunin ng apoy nang patungo na sana sa bayan ng Dapa sa Siargao Island, Surigao del Norte.
Ayon kay Philippine Coast Guard (PCG) Surigao del Norte Station Commander Lawrence Roque, lulan ng M/L Jenua-2 ang pitong mga tripulante nang bigla itong magliyab pasado alas-4:45 nitong Sabado ng umaga malapit sa pantalan ng Brgy. Hayanggabon, bayan ng Claver.
Nagtamo ng minor burns ang dalawang mga tripulante at kaagad na dinala sa ospital upang magamot.
Ang mga kinatawan ng PCG Hayanggabon, at Bureau of Fire Protection (BFP) Claver pati na ang PNP Maritime Group ang naglunsad ng firefighting operation.
Lumabas sa inisyal na imbestigasyon na may kargang 20,000 litro ng gasolina ang motorbanca ngunit patuloy pa ang kanilang imbestigasyon upang malaman kung sa paanong paraan nagliyab ang naturang sasakyang pandagat.