TUGUEGARAO CITY – Ginagamot na sa pagamutan ang dalawang katao na natamaan ng bala ng baril sa Cagayan sa pagsalubong sa Bagong Taon.
Sinabi ni PCol. Ariel Quilang ng PNP Cagayan na accidental firing umano ang nangyari sa Lasam at Iguig nitong Martes ng gabi.
Ayon kay Quilang, ang nangyari sa Iguig ay inilapag sa mesa ni Arnold Lauigan ang kanyang baril para sana linisin nang aksidenteng pumutok at tinamaan sa hita ang kanyang misis na si Kathy.
Sa bayan naman ng Lasam, nagpapalaro umano ang suspek nang mahulog ang kanyang baril na pumutok at tinamaan sa puwitan ang isang bata.
Ani Quilang, sumuko naman ang dalawang sangkot sa nasabing insidente.
Samantala, sinabi ni Quilang na 13 ang naitala nilang firecracker-related injuries sa Cagayan sa pagsalubong sa Pasko at Bagong Taon.
Sinabi ni Quilang na apat sa Tuguegarao City, tigdalawa sa Baggao, Tuao, Ballesteros at tig-isa naman sa Aparri, Piat at Solana.