-- Advertisements --

CAUAYAN CITY – Sugatan ang dalawang lalaki sa banggaan ng isang motorsiklo at tricycle sa Baretbet, Bagabag, Nueva Vizcaya.

Ang mga biktima ay ang tsuper ng motorsiklo na si Mark Anthony Mercado, 25, may asawa at residente ng nasabing lugar at ang tsuper ng tricycle na si Romeo Baluna, 48, may asawa, magsasaka, at residente ng Aglipay, Quirino.

Sa pagsisiyasat ng Bagabag Police Station, binabagtas ng tricycle ang pambansang lansangan na nasasakupan ng Barangay Baretbet sa direksyon na patungong timog habang binabagtas naman ng motorsiklo ang kasalungat na direksiyon nang makarating sa pinangyarihan ng aksidente ay nasakop ng tricycle ang kasalungat na linya.

Naging daan ito para masalpok nito ang paparating na motorsiklo na mimaneho ni Mercado.

Dahil sa lakas ng banggaan ay nagtamo ng matinding sugat sa iba’t ibang bahagi ng kanyang katawan si Mercado habang may galos naman si Baluna.

Agad namang dinala sa pinakamalapit na pagamutan ang mga biktima para malapatan ng lunas.

Sa ngayon ay inaalam pa ng pulisya ang halaga ng pinsala na natamo ng dalawang sangkot na sasakyan.