KORONADAL CITY – Nagpapatuloy sa ngayon ang imbestigasyon ng mga otoridad sa nangyaring pagsabog ng IED sa backseat ng YBL bus habang nasa kahabaan ng Gensan Drive corner Aquino St. Koronadal City alas-12:30 kaninang tanghali na nagresulta sa pagkasugat ng dalawang biktima.
Kinilala ang mga sugatan na sina Wilfredo Peno Sr. 56 anyos ng barangay Magsaysay, Koronadal at isang alyas Rhea na residente din ng lungsod.
Sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal kay Police Col. Nathaniel Villegas, provincial director ng South Cotabato, mula sa Kidapawan City ang Bus na may plate number MWB 276 at body no. 2108 na dumaan sa Tacurong City papuntang lungsod ng Koronadal sakay ang apat na mga pasahero.
Ayon kay Villegas, nakunan mismo ng CCTV ang pagsabog sa likurang bahagi ng bus kung saan nadamay ang dalawang tricycle driver na sumusunod sa sasakyan.
Ligtas naman ang 6 na sakay ng bus kabilang na ang driver at konduktor.
Sa salaysay naman ni Nanay Rose, isa sa mga pasahero, may isang kahina-hinalang lalaki itong napansin na sumakay sa bayan ng M’lang, North Cotabato habang may isa pang pasahero na bumaba naman sa bayan ng Buluan, Maguindanao.
Samantala, sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal sa Operations Manager ng YBL na si Mr. Bernardo Bolanio, mahigpit nilang kinukondena ang nangyari.
Nilinaw din ni Bolanio na bago ang pagsabog wala naman silang natanggap na pagbabanta.
Dagdag pa ni Bolanio ang nasabing bus ay “Libreng Sakay” na may biyaheng mula Kidapawan City, dumaan sa lungsod ng Tacurong at mag-re-refuel lang sana dito sa lungsod ng Koronadal.
Samantala, kinumpirma din ni Villegas ang pagsabog ng isa pang IED sa bahagi ng Calean, Tacurong City na boundary naman ng bayan ng Tantangan, South Cotabato pagkatapos ng pagsabog dito sa lungsod ng Koronadal.