KORONADAL CITY – Sugatan ang dalawa katao matapos tamaan ng nabuwal na malaking puno ng kahoy dahil sa pananalasa ng buhawi at pag-ulan ng yelo sa bayan ng Isulan, Sultan Kudarat.
Ayon kay Municipal Disaster Risk Reduction Management Officer Edwin Escleto, ang dalawang sugatan ay residente ng Barangay Impao, Isulan, Sultan Kudarat kung saan apektado rin ang bahay ng mga ito dahil sa pagkatumba ng malaking puno ng kahoy at pagkabuwal maging ng mga poste ng kuryente.
Maliban dito ay naranasan din ng mga residente sa lugar ang pag-ulan ng yelo na kasing-laki ng tipak ng bato.
Sa ngayon ay nagpatuloy na ang clearing operation na isinasagawa ng MDRRMC sa mga daanan at tinitingnan ang posibleng pagtaas ng level ng tubig sa Ala river upang ma-evacuate kaagad ang mga residente na nasa tabi ng nasabing ilog.