-- Advertisements --

TACLOBAN CITY – Dalawang katao ang naitalang sugatan matapos ang walang habas na pamamaril ng isang sundalo sa Barangay San Isidro, Paranas, Samar.

Kinilala ang mga biktima na sina Marcelino Nacar, 67-anyos na barangay tanod, at Teodorico Cinco, 65-anyos na magsasaka.

Ayon kay P/Major Rex Baysa Pabunan, hepe ng Paranas Municipal Police Station, piyesta sa naturang lugar kung saan nag-iinuman ang tatlong sundalo sa bahay ng isang Rogelio Barondo.

Dahil sa sobrang ingay ng tatlo ay sinita ito ng tanod na si Nacar pero imbes na makinig ay lumabas si Corporal Jover Mabaga, at pinaputok ang kaniyang dalang 45 kalibre na pistola.

Natamaan tanod sa kaniyang kamay at nadamay pa ang isang magsasaka na natamaan sa bandang kili-kili at tiyan.

Kaagad naman ang mga itong naisugod sa Samar Provincial Hospital sa Catbalogan City para mabigyan ng atensyon medikal.

Nakipagtulungan na ang Paranas-PNP sa 46th Infantry Battalion sa Calbiga, Samar, para malaman kung saan naka-assign ang tatlong sundalo upang masampahan ng kaukulang kaso.