CENTRAL MINDANAO – Dalawang sundalo at isang sibilyan ang nasugatan sa engkwentro ng militar at mga miyembro ng New People’s Army (NPA) sa probinsya ng Cotabato.
Nakilala ang mga nasugatan na sina Cpl. William Agno at Cpl. Jerome Sarayno, kapwa nakatalaga sa 19th Infantry Battalion Philippine Army.
Ayon sa ulat ng 901st Brigade na habang nagpapatrolya ang tropa ng 19th IB sa Sitio Tiwayan, Barangay Badiangon, Arakan, North Cotabato nakasagupa nila ang mga NPA sa ilalim nang tinaguriang Pulang Bagani Command.
Tumagal umano ng kalahating oras ang palitan ng bala sa magkabilang panig dahilan kaya pagsilikas ang ilang mga sibilyan.
Umatras ang mga rebelde nang matunugan ang karagdagang pwersa ng militar.
Nang magresponde ang rescue vehicle ng LGU-Arakan at sakay ang mga sugatang sundalo ay tinambangan naman ito ng mga NPA sa Sitio Anuling, Brgy Badiangon, Arakan kung saan nasugatan ang sibilyan na si Jonel Bayaan.
Sa ngayon ay nagpapatuloy ang pagtugis ng militar sa mga NPA.