DAVAO CITY – Patay ang dalawang mga sundalo habang sugatan ang isa pa matapos na pinagbabaril ng kapwa rin nilang sundalo na nag-amok sa loob ng kanilang headquarters sa Tagum City.
Kinilala ang suspect na si Staff Sgt. Arvin Bureros, habang ang mga napatay na biktima ay kinilala naman na sina Major Franklin Embat at Technical Sgt Sandatu Tuma.
Samantala nagtamo naman ng mga galos at gasgas sa katawan si Major MineHeart Maliawao na nagawang makatakas sa pamamaril.
Ang mga ito ay pawang mga miyembro ng 10th Infantry Division ng Philippine Army.
Batay sa ulat, alas-6:30 kagabi nang pagbabarilin ni Bureros ang kanyang mga kasamahan sa loob mismo ng kanilang headquarters sa 10th Civil Military operations Batallion sa Brgy San Agustin, Tagum City.
Halos inubos umano ng suspect ang magazine na puno ng mga bala ng kanyang service firearms na R4 rifle sa katawan ng mga biktima.
Samantala alas-dos kaninang madaling araw nang sumuko naman sa mga otoridad ang suspect na si Sgt Burerus.
Inilarawan ni Capt Mark Anthony Tito, hepe ng public affairs office ng 10th ID na isang tahimik na tao si Bureros na halos 31 years ng nasa serbisyo.
Kung kaya’t nagsasagawa pa ngayon ng malalim na imbestigasyon ang 10th ID upang malaman kung ano ang dahilan ng biglaang pag-aamok ng naturang sundalo.