-- Advertisements --

CENTRAL MINDANAO-Dalawang sundalo ang nasawi at isa ang malubhang nasugatan sa pananambang sa probinsya ng Maguindanao.

Nakilala ang mga binawian ng buhay na sina PFC Junard Estribor at PVT Nelier Jhan Pinto habang sugatan naman si PVT Muqtadir Sampulna,pawang nakatalaga sa 57th Infantry Battalion Philippine Army.

Isang sibilyan rin ang tinamaan ng mga ligaw na bala.

Ayon sa ulat ng Maguindanao PNP lulan ang mga biktima sa kulay pula na Toyota Vios na may plakang TXU-771 sa Sitio Kurungan Brgy Sambulawan Datu Salibo Maguindanao ng bigla itong paputukan ng mga hindi kilalang armadong kalalakihan gamit ang M16 Armalite rifles.

Mabilis namang tumakas ang mga suspek lulan rin sa isang kotse patungo sa liblib na lugar sa bayan ng Datu Salibo Maguindanao.

Dalawa sa mga sundalo ang on the spot na binawian ng buhay habang naisugod sa pagamutan ang isa pa na nagtamo ng maraming tama ng bala sa ibat-ibang parte ng kanilang katawan.

Sa ngayon ay nagpapatuloy ang imbestigasyon ng pulisya sa Datu Salibo sa pananambang sa mga sundalo.