-- Advertisements --
Negros occidental moises padilla

(Update) BACOLOD CITY – Patuloy pa ang manhunt operations ng militar sa mga kasapi ng New People’s Army (NPA) na nakasagupa ng mga sundalo sa Sitio Tiyos, Barangay Quintin Remo, Moises Padilla, Negros Occidental kung saan dalawa ang patay at apat ang sugatan.

Sa panayam ng Bombo Radyo Bacolod kay B/Gen. Inocencio Pasaporte, commander ng 303rd Infantry Brigade, nakatanggap ng impormasyon ang mga sundalo na may presensya ng komunistang grupo sa lugar kaya’t nagresponde ang mga tauhan ng 62nd Infantry Battalion, dakong alas-3:45 kahapon ng hapon.

Dito na nagkasagupa ang mga sundalo at limang miyembro ng NPA at nagtagal ng ilang minuto ang bakbakan.

Anim na mga sundalo ang nasugatan sa engkwentro at sila ay ini-airlift sa ospital sa Cebu.

Nang sumapit sa Cebu ayon kay Pasaporte, binawian ng buhay ang dalawang sundalo samantalang confined naman sa iba’t ibang pagamutan ang mga sugatan.

Pagdating naman ng augmentation mula sa 79th Infantry Battalion, kanilang nakasagupa ang pitong mga miyembro ng NPA ngunit walang nasugatan sa tropa bago tumakas ang kalaban.

Inaalam naman sa ngayon kung ilan ang nasugatan sa mga rebelde dahil sa marka ng dugo na nakita sa kanilang dinaanan.

Narekober naman ng mga sundalo ang ilang backpack at mga kagamitan ng mge rebelde sa kanilang pinagkutaan.