-- Advertisements --

Patay ang dalawang sundalo, habang sugatan ang isang army major at isa pang sundalo sa pananambang sa Brgy. Batasan, San Jose, Occidental Mindoro kahapon.


Sa report na inilabas ng sa Southern Luzon Command, lulan ng itim na SUV ang mga sundalo at papunta sa Naibutan Patrol Base para magsagawa ng inspeksyon at mamahagi ng subsistence allowance sa mga active auxillary nang bigla silang paputukan ng armadong grupo.

Ang dalawang nasawing sundalo ay nakilalang sina Sgt. Erick Bas at Cpl Walter Vegas.

Kaagad namang dinala sa San Jose District Hospital ang sugatang sina Maj. Ephtaem Domingo at CAA Willy Gregorio para sumailalim sa medical treatment.

Ayon kay 4th IB Commanding Officer Lt. Col. Alexander Arbolado nasa misyon ang grupo ni Maj. Domingo ng paulanan sila ng bala ng mga armadong kalalakihan.

Kwento ni Arbolado, bago ang insidente, may isang puting sasakyan na ilang beses umano nagbabalik-balik sa lugar na nakasalubong ng grupo ni Maj. Domingo.

Bigla umanong nag u-turn ng makita ang itim na sasakyan ng mga sundalo at dito na nagkaroon ng palitan ng putok.

Sa ngayon hindi pa matukoy ng militar kung ang rebeldeng NPA ang responsable sa pananambang.

Tinitignan din ng militar ang posibleng motibo na robbery dahil may dalang pera si Maj. Domingo nagkakahalaga ng P1.7 million na siyang subsistence allowance para ipamahagi sa mga Civilian Active Auxilliary (CAA) o CAFGU.

Matapos kasi ang pananambang tinangay ng mga suspek ang bitbit na pera ni Maj. Domingo pero hindi naman nagawang kunin ang mga armas nito kaya nakapag retaliate ang mga sundalo.

Dahil dito, bumuo na ng board of inquiry ang 2nd Infantry Division para imbestigahan ang insidente.

Si Maj Domingo ay naka-assign sa CAFGU Affairs unit sa 2nd Infantry Division na naka base sa Tanay, Rizal.

Agad naman naglunsad ng tracking operations ang militar sa lugar laban sa mga suspek.

Inalerto na rin ang lahat ng Patrol Bases sa lugar at nagsagawa ng mga checkpoints.

Samantala, iniimbestigahan na rin ng PNP SOCO ang crime scene.