-- Advertisements --

CAUAYAN CITY – Dalawang sundalo ang nasugatan habang naka-recover ang militar ng mga baril at bala sa naganap na sagupaan dakong alas-11:45 kagabi sa Ara, Benito Soliven, Isabela.

Tumugon ang mga sundalo ng 95th Infantry Battalion Philippine Army sa nakatanggap na sumbong ng mga sibilyan na nangingikil ng pagkain sa kanila ng mga miyembro ng New People’s Army (NPA).

Bukod sa Barangay Ara ay nangingikil din umano ang mga NPA sa mga kalapit na barangay tulad ng Guilingan, Capuseran at Sinipit sa Benito Soliven, Isabela at sa Devera, Cauayan City.

Tumagal umano ng 20 minuto ang naganap na sagupaan na nagbunga ng pagkakumpiska ng 2 baby armalite rifles at isang M14 rifle; iba’t ibang uri ng mga bala at magazine ng M14 and M16 rifle, backpack na pag-aari ng isang amasona at iba pang personal na gamit ng mga rebelde.

Hindi pa kinilala ang dalawang sundalo na nasugatan sa sagupaan dahil ipapabatid mula ito sa kanilang pamilya.

Hinihinalang may nasugatan din sa panig ng mga NPA dahil sa bakas ng mga dugo sa pinangyarihan ng sagupaan.

Patuloy pa ang pagtugis ng militar sa mga tumakas na rebelde.