-- Advertisements --

CENTRAL MINDANAO – Sugatan ang dalawang sundalo sa pamamaril sa Cotabato City.

Nakilala ang mga biktima na sina Pfc. Clyde Amin Najera, 25, residente ng Kapatagan Zamboaga del Sur at Pvt. Rico Zamora, 22, nakatira sa Santa Maria Zamboaga del Sur at kapwa nakatalaga sa 549th Engineering Brigade Philippine Army.

Ayon sa ulat ng pulisya, lulan ang mga biktima sa isang motorsiklo mula sa kanilang kampo sa Brgy. Awang, Datu Odin Sinsuat, Maguindanao patungong Cotabato City dahil may kukunin itong packages sa isang cargo company.

Ngunit pagsapit ng mga sundalo sa harap ng RVM College sa Sinsuat Avenue sa syudad ng Cotabato ay bigla itong dinikitan ng riding in tandem suspects at pinagbabaril gamit ang kalibre .45 na pistola.

Mabilis namang tumakas ang mga salarin patungong town proper sa Cotabato City.

Agad dinala ang mga biktima ng mga nagrespondeng pulis sa Cotabato Regional and Medical Center (CRMC) at kapwa nasa masilang kondisyon nang magtamo sila ng tama ng bala sa ulo at likod.

Marami ang naniniwala na posibleng kagagawan ito ng mga miyembro ng liquidation squad ng Bangsamoro Islamic reedom Fighters (BIFF).

Matatandaan na noong nakalipas na araw dalawang mga aplikante ng Philippine Army ang pinagbabaril-patay sa Brgy Rebuken, Sultan Kudarat, Maguindanao.

Sa ngayon ay nagpapatuloy ang imbestigasyon ng pulisya sa Cotabato City sa pamamaril sa dalawang sundalo.