-- Advertisements --

CENTRAL MINDANAO – Grupo umano ng liquidation squad ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) ang itinuturong suspek sa pananambang sa dalawang sundalo sa Cotabato City.

Nakilala ang mga biktima na sina Cpl Obillo, 33, residente ng Old Barangay 2 Pagbennecan Balaoan, La Union at Cpl Belano, 28, nakatira sa Villa Gamiao, San Mateo, Isabela at kapwa nakatalaga sa 10th Special Forces Company ng 5th Special Forces Battalion sa Cotabato City.

Ayon sa ulat ng pulisya, lulan ang mga biktima sa isang motorsiklo at pagdating sa Gonzalo Javier Street corner Oblates drive sa Barangay Rosary Heights 7, Cotabato City nang bigla silang pagbabarilin ng riding in tandem suspect gamit ang kalibre .45 na pistola.

Mabilis namang tumakas ang mga suspek patungo sa liblib na lugar sa lungsod ng Cotabato.

Agad namang dinala ng mga nagrespondeng pulis ang mga biktima sa Cotabato Regional and Medical Center (CRMC) na ngayon ay nasa masilang kondisyon.

Nagpapatuloy din naman ang imbestigasyon ng mga otoridad sa Cotabato City sa pamamaril sa dalawang sundalo.