BACOLOD CITY – Dalawang sundalo ang sugatan kasabay ng sagupaan laban sa mga miyembro ng New People’s Army (NPA) sa Victorias City, Negros Occidental kanina.
Sa panayam ng Bombo Radyo Bacolod kay 303rd Infantry Brigade commander Col. Inocencio Pasaporte, nagpapatrolya at nagsasagawa ng information dissemination kaugnay sa COVID-19 ang mga miyembro ng 79th Infantry Battalion nang kanilang naka-engkwentro ang mga miyembro ng NPA sa Sitio Sicaba, Brgy. Gawahon, Victorias City.
Kasama ng mga sundalo ang mga miyembro ng PNP-Special Action Force.
Tinatayang umabot sa 10 hanggang 15 ang bilang ng mga miyembro ng komunistang grupo na nakasagupa ng militar sa loob ng ilang minuto na nagresulta sa pagkasugat ng dalawang sundalo.
Kaagad na in-airlift ang mga sugatang sundalo upang madala sa pagamutan sa Bacolod.
Hindi pa matiyak kung ilan ang casualty sa panig ng NPA ngunit pinaniniwalaang may sugatan sa mga ito batay na rin sa bakas ng dugo sa kanilang dinaanan sa pagtakas.
Matapos ang bakbakan, narekober sa encounter site ang ilang improvised explosive devices (IED), mga bandoline na naglalaman ng mga magazine ng MK57; M16 rifle; apat na jungle packs; mga personal na kagamitan; handheld radio; at binoculars.
Ito na ang ikalawang engkwentro sa pagitan ng militar at NPA sa lalawigan ng Negros Occidental ngayong linggo.
Nabatid na nitong araw ng Linggo, tatlong sundalo ang patay habang apat ang sugatan sa sagupaan laban sa NPA sa Barangay Carabalan, Himamaylan City.