-- Advertisements --

Dalawang araw matapos ang pagguho ng gusali sa Cambodia, nakarekober pa ng dalawang buhay na katao ang mga rescue team.

Ito’y kahit inihayag na ng mga opisyal na wala nang survivors mula sa naturang pitong palapag na construction site na pag-aari umano ng mga Chinese.

Kaugnay nito, agad na pinainom ng tubig at dinala sa ospital ang dalawang nakaligtas.

Nabatid na umakyat pa sa 25 ang bilang ng mga namatay sa insidente na naganap nitong weekend sa kasagsagan umano ng pagtulog ng mga trabahador sa loob.

Una nang lumabas sa imbestigasyon ng mga otoridad na bigla na lamang bumigay ang steel structure ng gusali na naging sanhi ng tuluyang pagguho nito.

Samantala, nagpaabot na ng pakikiramay ang Chinese embassy sa Cambodia kasabay ng pagtiyak na makikipagtulungan sila sa nagpapatuloy na imbestigasyon ng pulisya. (BBC)