Naitala ang dalawang panibagong suspected case ng Coronavirus Disease (Covid-19) sa bayan ng Kabacan Cotabato.
Sa pagpasok ng Hulyo at muling pagsailalim sa extended MGCQ ang lalawigan, dalawang LSI na residente ng bayan ang nagpakita ng sintomas na kung saan ito’y isinailalim sa lebel na suspected case.
Batay sa Municipal Epidemiology Surveillance Unit, naisagawa na ang swab test sa dalawa at ito’y nasa Municipal Isolation Facility ng bayan.
Walang dapat umanong ipangamba dahil nasa stable condition ang dalawa at mula ng dumating ang mga ito ay nasa MIU.
Samantala, abot na sa 927 ang cleared habang nasa 151 naman ang PUM.
Nanawagan naman si Kabacan Mayor Herlo Guzman Jr sa taumbayan na kailangang mas palakasin ang kampanya na sumunod sa mga pinaiiral na alituntunin kaugnay sa health protocols.
Dagdag pa ng alkalde, nagpapasalamat ito lalo pa’t walang naitatalang positibo sa pandemyang kinakaharap ng mundo sa bayan ng Kabacan.
Hinimok din nito ang lahat na ipagpatuloy ang pagtitiwala sa pamahalaan at ipagdasal ang bayan.