-- Advertisements --

CAGAYAN DE ORO CITY -Kinasuhan na ng Regional Special Operations Unit ng Police Regional Office 10 nang naglabag ng illegal drugs act of 2002 ang itinuring na dalawang suspected high value targets na nasa likod ng mga malakihang pagpupuslit ng ilegal na droga dito sa bahagi ng Mindanao.

Ito ay matapos unang nahuli sa ikinasa ng RSOU na anti-illegal drugs operation ang mga respondent na sina Janjalani Aliponoto at Mishary Sarip,kapwa 29 at parehong nagmula sa probinsya ng Lanao del Sur.

Sa panayam ng Bombo Radyo,inihayag ni Police Regional Office 10 spokesperson Lt Col Michelle Olaivar na ang pagkahuli ng dalawa ay resulta sa unang mga malalaking anti-illegal drugs operations na ikinasa ng RSOU at maging sa Regional Drugs Enforcement Unit ng Camp Alagar laban sa mga sindikato ng droga na kumikilos sa Mindanao.

Sinabi ni Olaivar na maaring mayroon pang mga malalaking tao ang mahuhuli dahil sa posibleng ikakanta ng mga salarin.

Una nang naaresto ang mga respondent habang nakikipag-transaksyon sa ROUS personnel sa West Bound Terminal ng Barangay Buluan ng lungsod.

Magugunitang nasa mahigit-kumulang 400 gramo ng suspected shabu na mayroong estimated value na P3.4-M ang nakompiska mula sa mga arestadong suspek.

Bagamat mariing itinanggi ng mga ito ang paratang ng pulisya laban sa kanila.