Patay ang dalawang hinihinalaang kidnappers sa isinagawang operasyon ng PNP Anti-Kidnapping Group (AKG) kaninang madaling sa Barangay Silangan, San Mateo, Rizal.
Ayon kay PNP-AKG spokesperson Maj. Ronaldo Lumactod Jr., inilunsad ang operasyon base sa impormasyon na kanilang nakuha.
Kinilala ni Lumactod ang dalawang napatay na kidnappers na sina Rey Rala at Mario Patlingrao alias Melvin.
Isisilbi sana ng mga operatiba sa pamumuno ni Col. Edward Cutiyog ang warrant of arrest sa illegal possession of firearms laban sa suspek na si Rey Rala, ngunit paglapit pa lang umano ng mga tauhan ng AKG ay naalarma ang mga nasa bahay at agad silang pinaputukan.
Gumanti ng putok ang mga AKG operatives na nagresulta sa pagkamatay ng mga suspek.
Sa imbestigasyon ng AKG, February 15, 2020 nang unang naaresto si Eddie Abad, na nahaharap sa kasong kidnapping for ransom.
At sa interogasyon sa kaniya ay ikinanta sina Rala at Melvin na kaniyang mga kasamahan.
Ibinunyag ng AKG na magkakasama umano ang mga ito sa pagdukot kay Mareanne Dela Rosa noon pang March 27, 2003 sa Bonifacio St., Brgy. Canlalay, Binan, Laguna at hiningan ng P15 milyong ransom.
Kalaunan ay nagbago ng linya ang grupo mula sa kidnapping ay lumipat sa robbery, gun for hire at illegal drugs.
Dahil nasa radar ng PNP AKG ang nasabing notorious group, agad ipinatrabaho ni PNP AKG director Brig. Gen. Jonnel Estomo.
Na-recover sa mga napatay na suspek ang isang 9mm pistol at isang M16 armalite rifle.
Sa ngayon pinoproseso pa ng SOCO REGION 4A ang crime scene.