Arestado ang dalawang suspek sa ikinasang operasyon ng National Bureau of Investigation (NBI) sa Quezon City.
Ayon kay NBI officer-in-charge Director Eric Distor, nakilala ang dalawang suspects sa ngalan na Ramon Loarca at Wilson De Lara Palisoc.
Aniya, isang retiradong serviceman ng U.S. Air Force si Loarca na muling nakakuha ng Filipino citizenship habang si Palisoc naman ay isang Filipino citizen.
Batay sa nakuhang impormasyon ng NBI, nagsisilbing drug den ang bahay ni Loarca sa Teachers Village sa Quezon City kung saan naaresto ang dalawa.
Nasabat ng kapulisan ang iba’t ibang klase ng droga tulad ng 334 tableta ng ecstacy, shabu, cocaine, kush, marijuana sticks, chemicals, laboratory equipment at drug paraphernalia na tinatayang nagkakahalagang P65 million.
Nakuha din ng mga otoridad sa bahay ng suspect ang isang 9MM Uzi sub-machine gun, Remington shotgun, Glock pistol, .22 Automatic rifle, 800 piraso ng ammunitions para sa iba’t ibang kalibre ng baril, at high explosive munition.
Kasalukuyan nang nakaditena sina Loarca at Apalisoc sa Quezon City Prosecutor’s Office at nahaharap sa paglabag sa Republic Act No. 9165 o comprehensive Fangerous Drugs Act of 2002.
Samantala, hindi naman nabanggit sa inalabas na pahayag ng NBI kung nahaharap din ang dalawang suspek sa illegal possession of firearms and ammunition.