-- Advertisements --
Collage suspek sunog VCM

CAUAYAN CITY – Kaagad sasampahan ng mga kaso ang dalawa sa pitong armadong lalaki na sakay ng pick-up na humarang at sumunog sa dalawang Vote Counting Machine (VCM) sa Sta. Isabel, Jones, Isabela kahapon ng umaga.

Ito’y matapos unang naaresto dakong alas-10:00 kagabi sa operasyon ng mga otoridad sa Diarao, Jones, Isabela, ang suspek na si Rodel Pascual, 34-anyos na magsasaka at residente ng Sta. Isabel, Jones.

Kaninang alas-9:32 naman ng umaga ay kusang sumuko ang isa pang suspek na si Jayson Leanio, 27-anyos na magsasaka rin at taga-Sta. Isabel, Jones.

Si Leanio ay ipinasakamay sa Jones Police Station nina Barangay Kapitan Alberto Plaida Jr., at Barangay Kagawad Randy Resurreccion ng Sta. Isabel matapos lumapit at sumuko sa kanila.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni PCpt. Fernando Mallillin, hepe ng Jones Police Station, na iginiit ni Leanio na wala siyang kinalaman sa bintang sa kanya na pagsunog sa VCM.

Ayon kay PCpt. Mallillin, kakasuhan nila sina Pascual at Leanio ng robbery at serious illegal detention.

Patuloy ang kanilang hot pursuit operation para madakip ang lima pang suspek.

Samantala, hinggil sa sinunog na pick-up sa isang bakanteng lote sa Quezon, San Isidro, Isabela, sinabi ni Mallillin na may side mirror na dinala ng mga witness sa kanilang himpilan at tumutugma ito sa natanggal na side mirror ng sinunog na Mazda pick-up.

Naniniwala si Mallillin na ang pagsunog sa pick-up ay bahagi ng taktika ng mga suspek para iligaw ang imbestigasyon at mawala ang ebidensiya laban sa kanila.

Nakikipag-ugnayan na sila sa Philippine National Police-Highway Patrol Group para malaman kung sino ang may-ari ng sasakyan.