-- Advertisements --

(Update) CAUAYAN CITY – Pinaghahanap na ng mga otoridad ang dalawang natukoy na suspek sa pagsunog sa dalawang vote counting machines (VCM) sa Jones, Isabela.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, tinukoy ni Lt. Col. Chivalier Iringan, tagapagsalita ng Police Regional Office 2 (PRO-2) ang dalawang suspeks na sina Jayson Leaño, residente ng Santa Isabel, Jones, Isabela at Rodel Pascua.

Nakita umano ng mga saksi na ang dalawang suspek ay kasama sa grupong nagpababa sa VCM at election paraphernalia mula sa dumptruck saka sinunog.

Sinabi pa ni Iringan, iniimbestigahan nila ang anggulong may nag-utos sa mga suspek na sunugin ang mga bahagi ng VCM at ilang balota mula sa Dicamay I at Dicamay II, Jones, Isabela.

Ipinag-utos na rin ng Police Regional Office kay Col. Mariano Rodriguez, provincial director ng Isabela Police Provincial Office (IPPO) na magsagawa ng malalimang pagsisiyasat.

Kung may matibay aniyang mga ebidensiya laban sa mga suspek ay sasampahan sila ng kaso.

Samantala, hinihinalang may kaugnayan sa pagsunog sa mga VCM ang sadyang pagsunog sa isang Mazda pick up sa Quezon, San Isidro, Isabela na nakitang wala ang isang side mirror at hinihinalang ito ang naiwan sa lugar kung saan sinunog ang VCM sa Sta. Isabel, Jones, Isabela.