BAGUIO CITY – Naalis na ang dalawang swimming instructors ng Philippine Military Academy (PMA) kasunod ng pagkalunod ni late Cadet 4th Class Mario Telan Jr. habang on-going ang swimming class ng mga ito sa swimming pool ng akademya noong November 8.
Ayon kay PMA spokesperson Captain Cheryl Tindog, naalis na si Robert Bete bilang faculty member ng akademya habang naalis din si Antonio Catalan bilang instructor ng mga freshmen cadets sa subject ng mga itong Fundamentals of Swimming.
Aniya, ito ay dahil sa neglect of duty kung saan napatunayan na may pagpapabaya ang dalawa sa nangyari kay Cadet Telan.
Sinabi niya na naalis ang service eligibility at retirement benefits ni Bete maliban pa sa tuluyan na itong nadiskwalipika mula sa paghawak ng anumang public office.
Dinagdag niya na agad ding naalis si Catalan na isang job-order employee at mahaharap din sa kaparehong parusa.
Samantala, pinag-aaralan aniya ng PMA ang parusang ipapataw sa dalawang kamag-aral ni Cadet Telan o ng mga nakatalagang Class Marchers ng araw na nangyari ang insidente dahil sa pagkabigo ng mga itong i-account ang nalunod na kadete.
Dinagdag ni Tindog na sinusuri din ng akademya ang mga naging paglabag o responsibilidad ng unit chief ng Sports and Physical Development Unit ng PMA sa nangyari kay Cadet Telan.
Samantala, sinabi nito na dahil sa pag-alis sa dalawang swimming instructors ng military school ay may team na mula Philippine Navy Special Operations Group na itinakdang mangasiwa sa lahat ng water-borne training activities ng mga kadete.
Maaalalang nasuspindi lahat ng swimming lessons ng mga kadete sa PMA matapos ang insidente habang wala pang na-install na safety measures sa swimming pool ng akademya.