CENTRAL MINDANAO- Dalawang mga Kidapawenyo ang napiling nanalo ng Agricultural Training Institute ng DA sa pagsusulong ng backyard gardening sa panahon na ipinatutupad ang community quarantine sa panahon ng Covid19 pandemic.
Ginawaran bilang first place winner si Rudgene Claire Lu ng Barangay Lanao at second place naman si Noel Wamar ng Kalasuyan Kidapawan City sa Garden Galing sa Quarantine Photo Contest ng ATI ng Department of Agriculture Regional Office XII.
Dapat na maging ehemplo ng mga households sa Kidapawan City ang ginawa nina Lu at Wamar sa panahon na ipinatutupad ang mga quarantine protocols, ayon pa sa mensaheng ipinarating ni City Mayor Joseph Evangelista sa 1st at 2nd Place Winners ng patimpalak.
Ang Garden Galing sa Quarantine ay programa ng ATI na naglalayong maisulong ang kahalagahan ng backyard gardening bilang pagkukunan ng masustansiyang pagkain na isa sa mga hakbang ng Pamahalaan sa usapin ng food security sa panahon ng Covid19 pandemic.
Kalakip din sa programa ang pagsusulong ng urban greening program ng National Government.
Una ng nanalo sina Lu at Wamar sa ‘Magpuyo sa Balay Mananom og Gulay’ ng City Government kung saan ay nagbibigay ng libreng butil ng gulay ang Lokal na Pamahalaan para itanim ng mga residente ng lungsod bilang pagkukunan ng pagkain sa panahon ng pandemya.
Naitampok na rin ng ilang national media sa kanilang mga television news documentaries si Lu kung saan pinakita rito ang kahalagahan ng backyard gardening sa mga manonood.
Kaugnay nito ay nagpapatuloy naman ang Magpuyo sa Balay Mananom og Gulay ng City Government para hikayatin ang taga lungsod na magtanim ng gulay sa kanilang bakuran.